Yans.
2 min readJul 6, 2024

Ang Pag-Ibig Kong Handang Ibigay Kahit Pa Ang Kalayaan Mo.

Patawarin mo sana ako kung ang pag-ibig na iyong inaasam ay hindi ko maibigay sa iyo.

Dahil hindi ka karapat-dapat mahalin ng tira-tira lamang; hindi ka karapat-dapat mahalin ng taong may mga inhibisyon.

Hindi ka naman tila isang bituin na kailangan kong sambahin, ngunit, ang isang katulad mo ay dapat inaalagaan ang puso at ipinagmamalaki sa buong mundo ng walang katakot-takot. Ang isang katulad mo ay dapat tinuturing bilang isang mutya dahil sa kagandahan ng kalooban mo.

Subalit, dahil sa mga paghihinagpis na aking pinagdadaanan, paumanhin kung hindi ko kayang ibigay ang dalisay na pag-ibig para sa iyo.

Sa tuwing nakikita ka, hindi ko na kaya tumingin sa iyong mga mata. Marahil sa konsensya na hindi kita kayang mahalin ng buong puso. Subalit, abot langit naman ang daing nang sinabi ko sa iyo na ibang tao ang nararapat magmahal sa iyo para lamang umalpas ka na sa akin. Dahil sa katunayan, hindi lubos-pusong totoo ang mga salitang binitawan ko na iyon.

Handang-handa sana ako tumaya para sa’yo, ang buhay ko lang ang hindi. Ang sakit isipin na balang araw, papanoorin na lamang kita unting-unti mahulog sa loob ng iba. Ako sana ang nararapat na tao para sa iyo kung hindi lang ako duwag at namomoblema ngayon. Ako sana ang taong nagmamahal sa iyo ngayon… hindi ang rason sa mga luha mo tuwing gabi.

Gusto kita. Mahal na rin yata kita — ito ang mga gusto ko sana sabihin sa iyo; mga damdaming umaalingawngaw sa puso ko. Araw-araw, gabi-gabi, ikaw parati laman ng isip ko. Ikaw ang duyan ko bago ako matulog, at walang minuto hindi ka nakawala sa sistema ko. Sa bawat paghaplos ng hangin sa aking balat, ang presensya ng pag-ibig mo ay aking nadadama.

Pero kailangan na rin kitang pakawalan dahil hindi kita kayang mahalin ng buong puso hanggat maraming kumakabag sa buhay ko. Baka madamay ka lamang sa mga paghihirap ng buhay ko. Ngunit, huwag na huwag mo lang sana sasabihin na ganoon lamang kadali para sa akin ang bitawan ka.

Hindi dahil pinalaya kita, ibig sabihin, ginusto ko iyon — lalo na ng puso ko. Pero para sa kalayaan mo, sa ikakabuti mo, at sa pag-ibig ng ibang tao na kaya kang mahalin ng walang inhibisyon, kayang-kaya kong palayain ka. Ito ang pag-ibig kong handang ibigay kahit pa ang kalayaan mo.

Gusto kita. Mahal na rin yata. Ngunit kahit masakit, para sa kalayaan mo, nagpapaubaya,

Yans.

Yans.
Yans.

Written by Yans.

i sometimes write about what i feel. but most of the time, i write about the truth—my own truth.

No responses yet